Nakatutok ang Pamahalaang Lungsod ng Tarlac sa pamumuno ni Mayor Cristy Angeles sa pagpapabuti ng kapakanan at proteksyon ng bawat sektor ng lipunan gayundin ang pagsisiguro na may sapat na kahandaan ang lahat sa bawat hamon ng sitwasyon at panahon para sa taumbayan.
Bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño, isinagawa ang Farmers Forum na mayroong temang “Pulong-tulong at Ibayong Paghahanda sa Epekto ng El Niño Para sa Maunlad na Pagsasaka” sa pangangasiwa ng City Agriculture Office, kaantabay ang National Irrigation Administration (NIA) at ang Local Meteorologist mula sa PAG-ASA Gerona Tarlac, para sa mga lokal na magsasaka sa lungsod kung saan tinalakay ang mga hakbang kung paano makakayanan ang pagsapit ng El Nino na karaniwang nararanasan tuwing buwan ng Abril, Mayo at posibleng tumagal hanggang Hunyo na nakapagdudulot ng mainit na temperatura at kakulangan sa supply ng tubig. Tinalakay rin ang mga posibleng interbensyon at mga hakbang upang mabigyan ng solusyon ang epekto nito na karaniwang nagbubunsod ng tagtuyot at nagpapababa ng lebel ng tubig sa mga dam at iba pang pinagmumulan ng tubig, na pangunahing makakaapekto sa sektor ng agrikultura ng lungsod para sa kanilang kahandaan at upang maibsan ang pangambang dulot nito sa mga lokal na magsasaka ng Tarlac City.
Mga pangarap – wala namang imposible, kung tayong lahat ay nangangarap. Alam po ninyo, madali lang mangarap, minsan, mahirap maging katotohanan ang mga ito, kaya siguro ang kailangan natin ang magkaisa tayo, magtutulungan tayo. Pagdating ng month of April and May, diyan tayo nakahanda kung ano’ng posibleng intervention na maitulong ng National Government at ng City Government sa atin. Hindi po kami hihinto ni Ma’am Ming, kakatok sa taas, hihingi ng tulong para sa inyo. Makakaasa po kayo na isinasapuso ni Mayor Cristy ang kapakanan ng bawat magsasaka dito sa Tarlac City. – Mayor Cristy Angeles