Ipinag-utos ng Municipal Trial Court in Cities – Branch 2 na lisanin at isurender ng Paliparan Central Marketing Corporation (“Paliparan”) ang pamamahala ng Uptown Public Market sa Tarlac City Government, matapos mapatunayang lumabag ito sa mga probisyon ng kanilang kasunduan.
Pinaboran ng korte ang pamahalaang lungsod sa kasong Unlawful Detainer o Ejectment na isinampa laban sa Paliparan, bunsod ng seryosong paglabag ng kumpanya sa mga itinakdang obligasyon sa ilalim ng kanilang Lease Agreement na pinirmahan noong Oktubre 7, 2014, sa pagitan ng noo’y Mayor Gelacio Manalang at ng Paliparan.
Ayon sa kontrata, binigyan ang Paliparan ng karapatang upahan at pamahalaan ang Uptown Public Market sa loob ng 25 taon, kapalit ng taunang renta mula P3 milyon hanggang P15 milyon, gayundin ang mahigpit na pagsunod sa mga legal at pangkalinisan na pamantayan.
Ngunit sa isinampang kaso, napatunayang nabigo ang Paliparan na ayusin, paunlarin, at panatilihing maayos at ligtas ang pamilihan. Inabuso nito ang tiwalang ibinigay sa kanila, dahil hindi lamang pabaya sa sanitation at maintenance, kundi nabigong sundin ang mga regulasyon ng lokal at pambansang pamahalaan ukol sa pamamalakad ng pampublikong pasilidad.
Isa sa mga matibay na ebidensya ng paglabag ay ang Cease and Desist Order na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources – Pollution Adjudication Board noong Oktubre 13, 2022. Ito ay dahil sa mga paglabag sa Republic Act No. 9275 (Clean Water Act) at Presidential Decree No. 1586 ukol sa environmental compliance.
Dahil dito, inirekomenda ng DENR sa pamahalaang lungsod na itigil ang lahat ng operasyong nagdudulot ng polusyon sa lugar, kabilang ang pagputol ng suplay ng tubig at pag-ban sa pagbibigay ng anumang permit sa Paliparan. Simula pa noong 2019, wala nang business permit ang nasabing kumpanya.
Bukod pa rito, mula Disyembre 2022 ay hindi na rin nagbayad ng buwanang renta ang Paliparan. Sa kabila ng mga paalala at demand letter mula sa pamahalaan, tuluyang nabigo ang kumpanya na magbayad—kaya’t isinampa ang kasong Ejectment upang mabawi ang karapatang ito ng lungsod.
Sa desisyon ng korte, hindi tinanggap ang depensa ng Paliparan bilang makatwiran sa kanilang hindi pagbabayad. Kaya’t iniutos na agad nitong lisanin ang Uptown Public Market, isuko ang buong pamamahala sa City Government, at bayaran ang lahat ng hindi nabayarang renta mula Disyembre 2022, kasama ang legal na interes. Tinatayang aabot na ito sa mahigit P22 milyon hanggang sa petsa ng aktwal na paglikas.



