March 27, 2023

CITY VICE MAYOR

Sa ikatlo at huling termino ay patuloy na maglilingkod si Kgg. Genaro “Aro” Malvar Mendoza bilang Bise Alkalde.

Si Vice Mayor Aro ay nanggaling sa pamilya ng mga bayani. Siya ay anak nina Natividad at Nereo Mendoza Sr.

Siya ay apo sa talampakan ni Soledad – ang kapatid ni Dr. Jose Rizal at apo sa tuhod ni Heneral Miguel Malvar – ang huling Pilipinong Heneral na sumuko sa puwersang Amerikano.

Sa kaniyang pagbabalik, nakatutok sa mahalagang mga batas na dapat maisulong, mapagtibay, at maipatupad ang kaniyang nais isagawa ng Konseho upang lalong mapagbuti ang kapakanan ng taumbayan.

Muli ring nangako si Vice Mayor Aro ng todong pagsuporta sa mga adhikain ng administrasyon ni Mayor Cristy Angeles na alam niyang makatutulong sa pagpapabuti ng antas ng pamumuhay ng mamamayang Tarlaqueno.

Ang kaniyang malawak na karanasan sa pagsisilbi ay masasabing magdudulot ng malaking pagbabago sa uri ng pamumuno sa bayan, at ito ay napatunayan sa maraming pagkakataon ayon sa mga ahensiyang kaniyang pinagdaanan.

Bago pumasok sa larangan ng serbisyo publiko ay nagsilbi si Vice Mayor Aro bilang Farm Manager ng Reyes-Teopaco Piggery Farm, Assistant Manager for Operations ng Asia Pacific Express Corp., at Director ng Honasia (HK) Ltd.

Noong 1988 ay pinasok niya ang mundo ng serbisyo publiko nang maihalal bilang Konsehal ng noo’y munisipalidad ng Tarlac. Matapos ito ay nagwagi bilang Bise Alkalde noong 1992. Kasunod nito ay naging Bokal (Board Member) ng ikalawang Distrito ng lalawigan ng Tarlac noong 1995-1998.

Noong 2001, gumawa ng kasaysayan sa mundo ng pulitika si Aro nang magwagi ng malaking kalamangan sa mga katunggali bilang Mayor ng lungsod sa kabila ng pagiging independiyenteng kandidato.

Dahil sa mahusay at malinis na karanasan ay nanatiling Mayor ng lungsod sa loob ng tatlong termino (2001-2010) kung kailan nagkaroon ng magagandang pangyayari sa pamamahala sa kalakaran ng lokal na pamahalaan na nagbigay ng maraming pagkilala para sa lungsod.

Mula 2010 hanggang 2016 ay nanatili sa pribadong buhay si Vice Mayor Aro. Pansamantala siyang nanilbihan bilang Director ng Clark Development Corp. at matiyagang naghintay upang makabalik sa serbiyo publiko. Noong 2016 ay nabigyan ng pagkakataon upang muling patunayan ang kaniyang husay sa pagsisilbi sa bayan bilang Bise Alkalde. Ito na ang nagsilbing simula ng tunay na diwa ng serbisyo.

Sa bawat tagumpay ay makikita ang pagsuporta ng pamilya ni Vice Mayor Aro mula sa kaniyang kabiyak na si Stella Nimfa Buhat at mga anak na sina Dra. Anna Barbara at kabiyak na si Dr. Jerome Vergil at Ma. Carolina at asawang si Donico mga apo na sina Aurora Skye at Callie Ysobel – maliban pa sa mamamayang nananatiling tapat sa kaniyang panig, bagay na ipagpapasalamat niya ng malaki.