Malinis at Maayos na Palengke, Posible!
“Andito po kami para itama na kung ano ang mga maling nakaugalian at practice ng nakaraan. Andito po kami para tulungan kayo, ayusin ang kalagayan ninyo. Dahil pagdating ng araw kayo rin po ang makikinabang sa mabango, malinis, maayos na pamayanang pamilihan.” ~ Mayor Cristy Angeles
Ito ang mensahe ng Ina ng Lungsod sa mga manininda na humiling ng tulong sa City Government of Tarlac hinggil sa malilipatan nilang pwesto para makapagtinda matapos na maipahinto ang operasyon ng palengke dahil sa Cease and Desist Order ng DENR noong October 13, 2022.
Hindi nagpatumpik-tumpik sa pag-aksyon si Mayor Cristy kung kaya nakiusap siya sa RU Aquino Corp. (RUA) na bigyan ng pwesto ang mga vendors sa itinatayong commercial hub (dating Uniwide) ng kumpanya. Pumayag ang RUA, pati na rin sa hiling ni Mayor Cristy na ipatupad ng kumpanya ang tama at nararapat lamang ayon sa Market Code.
Ayon naman sa Consultant ng RUA na si Mr. Mark Arago, “ Ipapatupad po natin kung ano yung nararapat. Kung tayo po ay magsisimula sa tama, ang end product po natin ay tama din. Ang gagawin po natin ngayon, itatama po natin. Ito ay work in progress, habang tayo po ay nagsasama, aayusin po natin unti-unti, dahan-dahan, hindi po maco-compromise ang bawat isa.”
Isinagawa agad ang electronic raffle ng mga pwesto noong October 14, 2022 para sa mga lehitimong vendors na taga Tarlac City at may business permit, at ipinagpatuloy ito noong October 17, 2022 na Live din via Facebook.
Ngayong araw ay may mga ilang manininda na nagsimula na sa paghahanapbuhay sa nasabing palengke. Samantala maaari pa ring mamili ng gulay at prutas sa dating lokasyon dahil hindi ito apektado sa pagpapasara ng mga service roads papuntag Uptown Public Market.
Tiniyak naman na ang RU Aquino Public Market ay hindi magdudulot ng pagsisikip ng trapiko sa lugar dahil sa malawak na inner roads at malawak na parking lot ng pasilidad parte rin nito ang probisyon para sa paghahatid ng mga paninda ng mga vendors.
Batid ni Mayor Cristy na ang usaping palengke ay parating masalimuot ngunit nauunawaan din ang pangangailangan para sa mga vendors, sa mga tao at para sa progreso ng lungsod. Matatandaan na simula nang maupo si Mayor Cristy bilang Alkalde ng Tarlac City, isa ang palengke sa kanyang prayoridad na ayusin.
Naresolba na ang dating suliranin sa traffic at basura. Ngayon ay nagiging posible na ang pagkakaroon ng isang maayos at malinis na palengke dahil na rin sa pagtutulungan ng mga vendors at ng pribadong kumpanya na RUA at ng mga mamamayan ng Tarlac City.





